ang pasyente
andoy castellano, 4 May 2006
Dumating ang ambulansiya
para dalhin ang pasyente sa ospital
mahina na, nakatirik ang mga mata
lubug ang pisngi at batak ang balat
"Ano po ang nangyara sa kanya?" tanong ng doktora
habang masusing tinitingnan ang mata, pulso at paghinga
"Tumigil nang kumain kanina," sagot ng ina,
"at ayaw na bumangon, nagpatawag na kami ng ambulansiya
nang tumirik ang mga mata niya."
"Bakit po siya nagkaganito?"
"Kinulam kasi siya noong bata pa,
sa elementarya. Ng ka-klase niya."
"Anong edad na po niya ngayon?"
"Singkuwenta'y sais."
"Napa-hospital na po ba siya dati?"
"Ay hindi. Ni minsan ay hindi pa siya nao-ospital.
Malakas naman siya kasi."
"Malnourished po siya," wika ng doktora
habang tuloy ang pagtingin sa pasyente.
"Hindi siya malnourished!" sigaw ng ina,
"Malakas pa nga siyang kumain!"
-=0=-
--
--andoy
4 May 2006
No comments:
Post a Comment